MANILA, Philippines - Dugtungan ang nailistang unang panalo ang pagsisikapan gawin ng St. Benilde Blazers sa pagsukat sa nangungulelat na Mapua Cardinals sa 90th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Tinalo ng Blazers ang Letran Knights, 85-71, sa huling laro para tapusin ang tatlong sunod na pagkatalo.
Nakitaan ng intensidad ang Blazers sa kabuuan ng laro para makapagpundar ng malaking kalamangan tungo sa pagpasok sa win column.
Si Paolo Taha ay mayroong 24 puntos ngunit naghatid din ng solidong kontribusyon ang iba pang kasamahan tulad nina Mark Romero, Jonathan Grey at Pons Saavedra nang nagsanib sila sa 33 puntos.
Ang laro ay itinakda sa ganap na alas-2 ng hapon at magsisikap din ang Cardinals na wakasan ang limang dikit na pagkatalo.
Huling koponan na niyukuan ng Cardinals ay ang Arellano Chiefs, 63-68, at para sa larong ito ay aasa uli ang koponan sa kamay nina Joseph Eriobu, Andrew Estrella, Carlos Isit at Jessie Saitanan.
Ikatlong sunod na panalo ang target ng Lyceum Pirates laban sa Emilio Aguinaldo College Generals sa ikalawang laro dakong alas-4 ng hapon.
Masosolo ng Pirates ang pag-okupa sa ikaapat na puwesto na ngayon ay pinagsasaluhan nila ng San Sebastian Stags sa 3-2 baraha kung mananalo sa Generals.
Sa pagtutulungan nina Guy Mbida at Joseph Gabayni, ang Pirates ay nagwagi sa Mapua, 80-78, at host Jose Rizal University Heavy Bombers, 84-80, sa overtime.
Kailangan naman ng Generals na bumalik ang sigla ng laro na naipakita nang manaig sa St. Benilde para wakasan ang tatlong sunod na pagkatalo para malagay sa ikapito at walong puwesto kasama ang Blazers.