Petron Blaze uupuan ang 5th place sa PSL
MANILA, Philippines - Ulitin ang panalong naitala sa elimination round para angkinin ang ikalimang puwesto ang nais gawin ng Petron Lady Blaze Spikers sa Cagayan Valley Lady Rising Suns sa 2014 PLDT Home-Philippine SuperLiga (PSL) All-Filipino Conference volleyball tournament ngayon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Ito ang natatanging laro sa kababaihan sa triple-header game na nakahanay sa pangalawa sa huling araw ng kompetisyon sa ligang inorganisa ng Sports Core at handog ng PLDT Home DSL bukod sa ayuda pa ng Mikasa, Asics, Mueller Tapes, Jinling Sports Equipment, LGR, Bench at Healthway Medical.
Sa ganap na alas-2 ng hapon ang tagisan at patatatagin ang hanap na panalo ng Lady Blaze Spikers ng 22-25, 25-14, 25-20, 25-21, tagumpay sa Lady Rising Suns sa unang pagkikita noong Mayo 28.
“Determinado kaming kunin ang ikalimang puwesto para hindi masayang ang naunang paghihirap namin,” wika ni Petron coach George Pascua.
Dalawang laro sa kalalakihan ang tatapos sa aksyon sa elimination round.
Ang Cignal at IEM ang magtatapat dakong alas-4 ng hapon bago magkrus ang landas ng PLDT at Systema sa alas-6 ng gabi.
Balak ng PLDT na maitala ang ang 8-0 sweep para palakasin ang habol sa titulo sa kalalakihan laban sa Cignal.
Ang championship round ay gagawin sa Sabado at ang men’s title at ang women’s championship sa hanay ng Generika-Army at RC Cola-Air Force ang huling laro dakong alas-5:30.
- Latest