Lady Troopers ayaw paawat; T-boosters nagpasolido sa no. 2
MANILA, Philippines - Nagtala ng kumbinsidong panalo ang Army-Lady Troopers at PLDT Home Telpad Turbo Boosters upang manatiling nasa unang dalawang puwesto sa Shakey’s V-League Season 11 Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Sina Nerissa Bautista, Ginie Sabas at Mary Jean Balse ay mayroong 16, 12 at 10 puntos habang ang libero na si Christine Agno ay mayroong 12 digs tungo sa 25-16, 25-22, 25-22, tagumpay sa PNP Lady Patrollers.
Nakuha ng Army ang ikalimang sunod na panalo sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng Shakey’s kahit hindi ibinabad ang mga kamador na sina Jovelyn Gonzaga at Rachel Ann Daquis bukod sa number one setterna si Tina Salak.
Tanging si Frances Xinia Molina lamang ang nasa double-digits para sa PNP sa kanyang 17 puntos upang mamahinga na ang Lady Patrollers sa tinamong ikaanim na sunod na pagkatalo.
Naunang kuminang ang PLDT sa 25-16, 25-23, 24-26, 25-19, panalo sa National University Lady Bulldogs para sa ikalimang panalo matapos ang anim na laro.
Kinamada ni Suzanne Roces ang lahat ng 17 puntos sa kills habang ang 13 sa 14 puntos ni Soltones ay mula sa spikes para hiyain ng Turbo Boosters ang spikers ng Lady Bulldogs sa pamumuno ni Jaja Santiago na mayroon lamang 14 kills tungo sa 16 puntos.
Ang pagkatalo ng NU sa ligang may ayuda pa ng Accel at Mikasa ay nagresulta para bumaba sila sa ikaanim na puwesto sa 2-3 baraha.
- Latest