Gabayni taga-salba ng Pirates

MANILA, Philippines - Si Joseph Gabayni ang sinasabing sagot sa problema ng Lyceum sa frontcourt nang sandaling iwanan niya ang University of Santo Tomas noong nakaraang taon.

Tinulungan ni Gabayni ang Pirates sa dalawang panalo sa nakaraang li­mang araw para pumuwesto sa pang-lima sa 90th NCAA men’s basketball tournament .

Nagtala ang 6-5 Taytay, Rizal native ng 23 points at 10 rebounds sa 80-78 pagtakas ng Lyceum sa Mapua.

Humakot naman siya ng 10 points at 12 boards sa 84-80 overtime win ng Lyceum laban sa Jose Rizal noong Biyernes.

Sapat na ito para kila­lanin ang 20-anyos na si Gabayni bilang ACCEL Quantum/316 NCAA Press Corps Player of the Week award na supurtado ng Bactigel hand sanitizer, Doctor J alcohol at Mighty Mom anti-bacteria.

Nagposte si Gabayni ng mga averages na 10.8 points, 9.8 boards at 1.6 blocks sa kanyang unang limang laro para sa Pirates.

May 3-2 (win-loss) slate ngayon ang Lyceum sa ilalim ng San Beda (4-0), Perpetual Help (3-0), San Sebastian (3-1) at Arellano U (3-1). (Merrowen Mendoza-trainee)

Show comments