Laro Ngayon
(The Arena,
San Juan City)
2 p.m. Army vs PLDT Home Telpad
4 p.m. Cagayan Valley vs Air Force
MANILA, Philippines - Magkakasukatan ang mga pinapaborang koponan na Army Lady Troopers at PLDT Home Telpad Turbo Boosters sa pagpapatuloy ngayon ng Shakey’s V-League Season 11 Open Conference sa The Arena sa San Juan City.
Ang laro ay itinakda sa alas-2 ng hapon at ang mananalo ay magpapatuloy sa pagtangan ng malinis na karta sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at may ayuda pa ng Accel at Mikasa.
Kung ang Lady Troopers ang magwagi, opisyal na rin silang aabante sa quarterfinals tulad ng PLDT.
“Army is strong and we have to play to our best ability, “ wika ni PLDT coach Roger Gorayeb.
Parehong may mahuhusay na spikers ang magkabilang panig kaya’t ang koponan na siyang magdodomina sa net ang hinuhulaang mananalo sa laban.
Sina Sue Roces, Laurence Ann Latigay, Charo Soriano, Ryzabelle Devanadera at Gretchel Soltones ang mga aasahan ng Turbo Boosters habang sina Rachel Ann Daquis, Jovelyn Gonzaga at Mary Jane Balse ang aasahan ng Army.
Itataya naman ng Air Force Air Women ang dalawang sunod na panalo sa pagsukat sa bumabangon ding Cagayan Valley Lady Rising Suns sa ikalawang laro sa alas-4 ng hapon.
Ang makukuhang panalo ng Air Force ay magpapanatili sa koponan na okupahan ang ikatlong puwesto sa walong koponang liga.
Tiyak na mabibigyan sila ng magandang laban ng nagdedepensang kampeon Lady Rising Suns na hanap ang ikatlong panalo sa apat na laro.
Galing ang koponan sa straight sets pananaig sa National University Lady Bulldogs noong Martes para maipakita na nagbalik na ang tikas ng koponan matapos matalo sa PLDT na sumira sa kanilang 17-game winning streak, kasama ang 16-0 sweep tungo sa kampeonato noong nakaraang taon. (ATan)