RIO DE JANEIRO--Hindi na mahalaga para sa Germany at Argentina kung sino sa kanila ang paboritong manalo ng titulo sa FIFA World Cup na paglalabanan sa Linggo sa Maracana Stadium.
“At this point who is favorite, who is not, it doesn’t make a difference,” wika ni Argentina midfielder Maxi Rodriquez.
Ito ang ikatlong pagkikita ng dalawang bansa sa championship match at naunang nanalo ang Argentina noong 1986 bago nakabawi ang Germany noong 1990.
Para sa Argentina, ang mata ay nakatuon sa ipakikita ni Lionel Messi na kung mapagtagumpayan na ibigay sa koponan ang titulo ay magseselyo sa kanyang puwesto bilang isa sa pinaka-mahusay na booter na naglaro sa prestihiyosong torneo sa football.
Hindi magiging madali ito dahil ang Germany ay kinikilala bilang isa sa pinakamahusay na koponan na naglalaro sa World Cup.
Napapaboran ang Germans matapos ang 7-1 panghihiya sa host Brazil sa semifinals. Ang Argentina ay nakarating sa championship game mula sa 4-2 panalo sa penalty shootout laban sa Netherlands.
Pero ang pangunahing pagtutuunan ng Germany ay ang depensahan si Messi.
Huling nakatikim ng malaking panalo ang Germany ay noon pang 1996 sa European Championship kaya’t determinado ang kanilang manlalaro na wakasan ang matagal na paghihintay.