Algieri nais ni Arum para kay Pacquiao

MANILA, Philippines – Lumalaki ang tsansa ng wala pang talong si Chris Algieri na makalaban si Manny Pacquiao, ayon kay Top Rank promotions chief Bob Arum.

Sinabi ni  Arum na may kakaibang personalidad si Algieri (20-0 na may walong KO) na isa sa mga hinahanap niya sa pagkakasa ng mga laban.

“He's definitely an option because there's a great storyline. You know, a college kid who has a master’s degree, a superb boxer, speaks well,” paliwanag ng promoter kay Keith Idec ng boxingscene.com.

Lumutang ang pangalan ni Algieri matapos niyang agawin ang WBO light welterweight title mula kay Ruslan Provodnikov nitong Hunyo 14.

Hindi basta-bastang boksingero si Algieri dahil nagtapos ito ng bachelor’s degree in healthcare science mula sa Stony Brook University at master's mula sa New York Institute of Technology.

Bukod dito ay isa ring clinical nutritionist ang Amerikanong boksingero at may background din siya sa ibang martial arts tulad ng Chinese Karata (Kenpo), wrestling at kickboxing.

“He has all the elements to make an interesting match for Manny Pacquiao both inside and outside the ring. So sure, we're considering it.”

Show comments