Brazil sasagupain ang Germany sa semifinals: Neymar out na sa World Cup
FORTALEZA, Brazil -- Isa itong malaking panalo para sa Brazil, ngunit malaki naman ang naging kabayaran nito.
Umiskor ang Brazil ng 2-1 panalo sa Colombia sa quarterfinal round sa 2014 World Cup.
Ngunit hindi naman makakalaro sa semifinals si Neymar, ang best player at biggest star ng Brazil, matapos magkaroon ng back injury sa huling sandali ng laro.
Lalabanan ng Brazil ang Germany sa semifinals nang wala si Neymar.
Tinalo ng Germany ang France, 1-0, sa isa pang quarterfinals match up.
“He was crying out in pain,” sabi ni Brazilian head coach Luiz Felipe Scolari kay Neymar. “It won’t be easy for him to recover, based on what the doctor told us and the pain he’s in.”
Matapos ang postgame news conference ay inihayag ng team doctor ng Brazil na si Rodrigo Lasmar na nagkaroon ang 22-anyos na si Neymar ng fractured vertebra sa ibaba ng kanyang likod.
Ayon kay Lasmar, ang injury ay hindi nangangailangan ng surgery at maaaring gumaling sa loob ng tatlo hanggang apat na linggo.
Si Neymar ang nagbigay ng assist para sa goal ni Thiago Silva sa unang pitong minuto ng laban.
Kinuha ng Brazil ang 2-0 abante mula sa free kick ni David Luiz sa 69th minute kasunod ang penalty kick ni James Rodríguez sa 80th minute sa panig ng Colombia.
Naging pisikal ang laro kung saan natawagan ang dalawang koponan ng kabuuang 54 fouls, ang pinakamarami sa torneo.
Sa huling limang minuto ng laro ay sumugod si Colombian defender Juan Camilo Zúñiga para sa loose ball na nagresulta sa pagtama ng kanyang tuhod sa likod ni Neymar.
- Latest