US-Portugal tabla Varela umiskor ng goal sa stoppage time

Nalusutan ng goal ni Silvestre Varela ng Portugal ang goalkeeper ng US na si Tim Howard at nauwi ang kanilang laban sa 2-2 draw sa Group G ng FIFA World Cup sa  Arena de Amazona sa Manaus, Brazil.  

MANAUS, Brazil--Kumurap ang depensa ng USA sa stoppage time para maunsiyami ang tangkang pag-abante sa knockout round sa naipagkaloob na 2-2 tablang laro laban sa Portugal sa 2014 World Cup noong Linggo.

Angat ang US sa 2-1 papasok sa ikalimang minuto ng stoppage time nang nakakawala si Silvestre Varela sa mga defenders at maipasok ang header mula sa cross ni Cristiano Ronaldo.

“Football is cruel sometimes,” wika ni US goalie Tim Howard na gumawa ng limang saves sa laro.

Dahil sa pangyayari, nahaharap ang US sa kru­s­yal na laro laban sa Germany sa Huwebes para madetermina kung sino ang agad na aabante mula sa  Group G.

Parehong may isang panalo at isang tabla karta ang US at Germany at ang matatalo ay makakatabla naman  sa mananalo sa pagitan ng Portugal at Ghana na ang laro ay gagawin din sa nasabing araw.

Nagpatuloy ang ma­gandang ipinakikita ng mga pamalit para sa Belguim upang kumuha na ng puwesto sa Last 16 sa 1-0 panalo sa Russia.

Si Divock Origi na ipinasok sa laro sa 57th minute para palitan si Romelu Lukaku, ang siyang nagbigay ng winning goal sa 88th minute para sa ikalawang sunod na panalo ng kopo­nan sa Group H.

Edad 19 lamang si Ori­gi para lumabas na pinakabatang manlalaro ng Belgium na nakaiskor sa World Cup.

Nagdomina ang Algeria sa South Korea, 4-2, para gumanda ang tsansa  na umabante sa Group H nang iangat ang karta sa isang panalo at isang tabla.

 

Show comments