MANILA, Philippines - Nagtulong sina Ojay Fuentes at Reymart Nevado sa pagsagwan ng isang ginto at dalawang pilak sa 2014 Singapore Invitational Canoe Sprint Junior Cup/Southeast Asian Canoe Spring Championships Juniors sa MacRitchie Reservoir sa Singapore kamakailan.
Ang 16-anyos na si Fuentes ay naorasan ng 46:54 sa 200-meter C1 Junior Men’s Finals para nanalo kina Thiraphong Ratkhamhaeng ng Thailand (47:65) at Chong Koi Kiat ng Singapore (49:26).
Ang pilak ay naihatid ni Nevado sa 1000-m C1 nang natalo siya kay Thiraphong.
Ang dalawang paddlers na isinali ng Pilipinas ay tumapos sa ikaapat na puwesto sa limang bansang lumahok.
Nanguna ang Thailand bitbit ang 14-ginto, tatlong pilak at limang bronze medals.
Si Thanyaluk Aoenthachai ang nagdala sa Thais sa kanyang apat na ginto na nakuha sa (tig-dalawa) individual at doubles races.
Ang host Singapore ang pumangalawa taglay ang siyam na ginto, 11 silvers at 18 bronze medals habang ang Malaysia ang kumuha sa ikatlong puwesto sa isang ginto, siyam na pilak at dalawang bronze medals.
Kinumpleto ng Hong Kong ang limang bansa na sumali sa limang araw na torneo at hindi sila pinalad na manalo ng medalya.