James humataw, Heat nakabawi

  Dinakdakan ni LeBron James ng Miami sina Tim Duncan at Kawhi Leonard ng San Antonio  sa second half sa Game 2 ng kanilang NBA Finals.

SAN ANTONIO--Walang leg cramps, walang problema para kay LeBron James.

Sa  pagbandera ng kanilang superstar sa laro, buma­ngon ang Miami Heat mula sa kabiguan na palagi nilang ginagawa sa playoffs.

“Obviously, having No. 6 in the game at the end was a plus for us,” sabi ni Dwyane Wade.

Humakot si James ng 35 points at 10 rebounds para itabla ang Heat sa San Antonio Spurs sa kanilang NBA Finals mula sa 98-96 panalo sa Game 2 noong Linggo.

Isinalpak ni Chris Bosh ang isang go-ahead 3-pointer mula sa pasa ni James sa huling 1:18 minuto para sa Heat, naipanalo ang 13 sunod na laro matapos ang isang kabiguan sa postseason.

Kagaya noong nakaraang taon, bumangon din ang Miami mula sa kabiguan sa Game 1 laban sa Spurs.

Tumapos si Bosh na may 18 points para sa Heat, pa­mamahalaan ang Game 3 sa Martes.

Naglaro si James ng higit sa 37 minuto at nagsalpak ng 14 of 22 shots.

Nagtala siya ng 1 for 4 shooting kasama ang tatlong turnovers sa first quarter bago kumamada ng 11 sa kanyang 13 tira.

Inagawan niya si Tony Parker sa fourth quarter at dinomina ang opensa at depensa na tila may dapat siyang patunayan.

Kagaya ng dati, nakakita si James ng paraan para patahimikin ang kanyang kritiko.

Kumamada siya ng 11 points sa second quarter na tumulong sa Miami na burahin ang 11-point deficit sa kaagahan ng nasabing yugto.

Nabigo ang Spurs na lumamang sa fourth quarter nang tumalbog ang apat na sunod na free throws nina Parker at Tim Duncan kung saan sila may two-point lead.

Nagsalpak naman si James ng isang 3-pointer at dalawang free throws para ilagay ang Heat sa posisyon para manalo.

 Tumapos naman si Parker ng 21 puntos at nag-ambag si Duncan ng 21 puntos at 15 rebounds para sa Spurs, na nanalo ng walong sunod sa kanilang bakuran ng hindi bababa sa 15 puntos.

 

Show comments