Pinoy Flash

Saludo ako sa tapang na pinakita ni Nonito Donaire Jr. sa Macau nung nakaraang Sabado.

Maaga siyang naputukan nang mag-untugan sila ng ulo ni Simpiwe Vetyeka sa opening round ng ka­nilang laban sa Macau.

Sa aking kinauupuan sa ringside ng Cotai Arena, hindi malinaw ang nangyari. Mahirap sabihin kung sinadya o aksidente ang untugan.

Pero walang nabawasan ng puntos. Sa halip, nag­patuloy ang laban. Duguan si Donaire. Malaki ang sugat sa kilay. Malalim.

Ilang beses pa silang nagkatamaan ng ulo sa second and third rounds. At sa halip na mangayaw ay sumugod si Donaire.

Tinamaan niya si Vetyeka ng isang malakas na suntok sa third round at napaatras ang South African. Napakapit sa lubid kaya hindi tumumba.

Nakaligtas ito sa mga mata ng referee. Kung hindi ay bibilangan ito ng knockout. Sa boxing, hindi ka puwedeng humawak sa lubid para iwasang matumba.

Muling napuruhan ni Donaire si Vetyeka sa fourth round. Tumumba ang kampeon. At dahil dito ay naging impresibo ang panalo ni Donaire.

Tinigil ng referee ang laban sa simula ng fifth round at sa tatlong scorecards ay lamang si Donaire, 49-46. Naagaw niya ang WBA featherweight title ni Vetyeka.

Marami ngayon ang nag-aabang kay Donaire. Mainit ang mata sa kanya ng ibang mga featherweight champion gaya ni Evgeny Gradovich ng Russia at si Nicolas Walters ng Jamaica.

Kinausap natin si Donaire matapos ang laban at sinabi niyang wala siyang uurungan sino man sa kanila.

Hindi niya aatrasan si Gradovich man o si Walters. Kaya lang, napangakuan niya ng rematch si Vetyeka.

Magaganap ito sa katapusan ng taon. Puwede sa October o November.

Relaks lang kayo. Hindi uurong si Donaire.

Show comments