Pacers isinalba sa pagkakasibak George pumutok sa game 5

Nalusutan ni Paul George ng Indiana si Dwyane Wade ng Miami sa Game 5 ng kanilang Eastern Conference Finals.

INDIANAPOLIS--Na­ging desperado si Paul George para iligtas ang season ng Indiana Pacers.

Umiskor ang 24-anyos na All-Star ng 21 sa kanyang 37 points sa fourth quarter para tulungan ang Pacers sa 93-90 panalo laban sa Heat sa Game 5 at maiwasang masibak sa kanilang serye.

Nauna nang nagposte si  George ng playoff career high na 39 points sa Game 4 kontra sa Washington Wizards sa nakaraan ni­lang serye at nabigong pantayan ang 41 markers ni Reggie Miller para sa franchise record ng Indiana sa isang playoff game.

Ang kabayanihan ni George ang naglapit sa Indiana sa 2-3 sa kanilang Eastern Conference Finals ng Miami.

Diniskaril din ng Pacers ang hangad na ikaapat na sunod na pagdakma ng Heat sa Eastern Confe­rence title.

Nakatakda ang Game 6 sa Biyernes sa Miami.

Tumipa si George ng 12-of-19 fieldgoal shooting sa second half at tumapos na may 6 rebounds at 6 steals at nagsalpak ng limang 3-poin­ters sa loob ng 45 minuto.

Nalimitahan naman si four-time MVP LeBron James sa  playoff-low na 7 points, 2 rebounds at 4 assists sa loob ng 24 1/2 minuto bunga ng pagkakalagay niya sa foul trouble para sa Miami.

Napuwersa ang Heat sa 17 turnovers kumpara sa 13 ng Pacers, kumolekta ng 45-38 lamang sa rebound.

 

Show comments