Promoter ni Marquez ayaw din matuloy ang laban kay Pacman

MANILA, Philippines - Nakakuha ng kakampi si Mexican chief trainer Ig­nacio ‘Nacho’ Beristain ukol sa pagtanggi nitong labanan ni Juan Manuel Marquez si Manny Pacquiao sa pang-limang pagkakataon.

Sinabi ni Fernando Beltran ng Zanfer Promotions na hindi niya nakikitang mapaplantsa ang Pacquiao-Marquez V sa Nobyembre sa Macau, China kagaya ng gustong mangyari ni Bob Arum ng Top Rank Promotions.

“I don’t know who Marquez will fight, but I’ll tell you I don’t like him fighting Pacquiao,” sabi ni Beltran, ang tumatayong promoter ng 40-anyos na si Marquez, sa panayam ng BoxingScene.com.

Matapos manalo sa kani-kanilang mga huling laban ay sinabi ni Arum na pipilitin niyang maitakda ang Pacquiao-Marquez V sa Nobyembre sa Macau, China.

Ngunit kaagad itong pinalagan ni Beristain.

Ayon sa 74-anyos na trainer, wala nang dahi­lan para labanan pa ni Marquez ang 35-anyos na si Pacquiao na kanyang pinatumba sa sixth round sa kanilang ikaapat na paghaharap noong Dis­yembre 8, 2012.

“At this moment, I do not see Marquez and Pacquiao fighting in November. We are going to see what happens,” pagkampi ni Beltran kay Beristain.

Gusto ni Marquez na maging kauna-unahang Me­xican boxer na nagkampeon sa limang magka­kaibang weight divisions.

Ang pagbawi ni Pacquiao sa World Boxing Organization (WBO) welterweight crown mula kay Timothy Bradley, Jr. ang pinupuntirya ni Marquez para matupad ang kanyang pangarap.

Show comments