Kampeon ang Mixers

Pinanood na lang nina Marc Pingris at Joe de Vance ng San Mig si Ranidel de Ocampo ng Talk ‘N Text sa  Game 4 ng PBA Commissioner’s Cup Finals. (Jun)

MANILA, Philippines - Tuluyan nang nakamit ng San Mig Coffee ang kanilang ika-12 kampeonato matapos talunin ang Talk ‘N Text via come-from-behind 100-91 win sa Game Four para angkinin ang 2014 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Philsports Arena sa Pasig City.

Tinapos ng Mixers ang kanilang best-of-five championship series ng Tropang Texters sa 3-1 para sa kanilang ikatlong sunod na titulo.

Bumangon ang San Mig Coffee mula sa 1-17 pagkakabaon sa first period para lamangan ang Talk ‘N Text sa 93-89 sa huling 2:00 minuto sa fourth quarter mula sa three-point shot ni James Yap.

Sinundan ito ng basket ni Mark Barroca na naglayo sa Mixers sa 95-89 sa nala­labing 1:32 minuto.

Bago ito ay ipinoste muna ng Tropang Texters ang isang 17-point lead, 55-38, sa pagbubukas ng third period.

Pumukol naman si Yap ng 10 points sa kabuuan ng final canto, tampok dito ang dalawang 3-pointers para sa San Mig Coffee.

Sinelyuhan ni Barroca ang panalo ng Mixers sa 97-91 sa natitirang 38 segundo.

Tumapos si Barroca ng 22 puntos na sinundan ni  import James Mays na kumamada ng 18 puntos para sa Mixers.

San Mig Coffee 100 - Barroca 22, Mays 18, Devance 12, Sangalang 12, Melton 11, Yap 10, Pingris 6, Simon 6, Reavis 2, Mallari 1, De Ocampo 0, Gaco 0.

Talk ‘N Text 91 - Alapag 17, Howell 16, De Ocampo 16, Canaleta 16, Williams 12, Castro 5, Reyes 5, Seigle 2, Carey 2, Fonacier 0.

Quarterscores: 15-25, 38-52, 69-74, 100-91.

 

Show comments