NCR athletes tinanghal na overall champion sa Palaro

     Ipinakikita ni Mary Queen Ybañez ng Ilocos Region 1 ang kanyang 5 ginto na napanalunan sa archery event sa Palarong Pambansa. (Joey Mendoza)

SANTA CRUZ, Laguna, Philippines - – Pinagharian ni sprinter Jomar Udtohan ng Natio­nal Capital Region ang lima niyang sinalihang events, habang hinirang si swimmer Maurice Sacho Illustre bilang atletang may pinakamaraming gintong inangkin sa 57th Palarong Pambansa kahapon dito sa Laguna Sports Complex.

Inangkin ni Illustre ng NCR ang pitong gintong medalya sa secondary boys’ 200m, 400m at 800m freestyle, 100m at 200m butterfly, 400m medley at sa 400m relay events.

Nagposte ang 17-anyos na si Udtohan, nagtapos ng high school sa San Sebastian, ng mga bagong Palarong Pambansa record sa secondary boys’100m, 200m, 400m, 4x100m relay at 4x400m relay.

“Talagang ibinigay ko na po ang lahat ng makakaya ko para manalo ng limang golds kasi last Palarong ko na po to,” sabi ni Udtohan.

Ang limang ginto ni Udtohan ay tumulong sa NCR para makamit ang overall crown ng Palaro sa ika-13 sunod na pagkakataon.

Kumolekta ang Big City athletes ng 69 gold, 46 silver at 38 bronze medals sa elementary at secondary division para muling dominahin ang taunang sports meet.

Nasa ilalim ng NCR ang Region IV-A (25-32-34), Region VI (23-19-28), CARAA (22-9-11), Region X (19-16-20), Region VII (13-22-22), Region XII (11-13-21), Region XI (8-12-14), Region III (7-9-14), Region V (7-4-18), Region I (6-9-7), CARAGA (5-5-7), Region II (4-11-11), Region VIII (3-6-7), Region IV-B (1-4-6), ARMMA (1-1-4) at Region IX (0-4-7).

Sa swimming, kumuha ang NCR ng 43 sa kabuuang 48 gintong medalya na inilatag, tampok dito ang tatlong bagong marka ng 12-anyos na si Imee Joyce Saavedra sa elementary girls’ 200m freestyle, 400m freestyle at sa 200m freestyle relay events. (Rcadayona)

Show comments