Mordido kampeon sa age group chessfest

MANILA, Philippines - Nagtala ng checkmate panalo si Kylen Joy Mordido ng Las Piñas City kay Dayanara Flores ng Mlang, North Cotabato upang lagyan ng tuldok ang pagkapanalo sa girls 12-years old and under category sa 2014 National Age-Group Grand Finals sa Leahchar Resort and Leisure Park sa San Antonio, Quezon.

Nagkaroon lamang ng 50 moves gamit ang English opening ang nasabing tagisan at selyado na ni Mordido ang panalo sa dibisyon nang ang kanyang puntos sa 10.5 matapos ang 11 rounds.

Nasa ikalawang puwesto si Jiessel Marino ng San Pedro, Laguna bitbit ang walong puntos at hindi na makakahabol kay Mordido kahit maipanalo ang nalalabing dalawang laro.

Ang pagiging kampeon ni Mordido ang nagbigay sa kanya ng tiket para maka­sali sa 2014 ASEAN Age Group Chess Championships sa Macau, China mula Hunyo 3 hanggang 12.

Selyado na rin nina Bea Mendoza ng Baguio City at Rhenzie Kyle Sevillano ng Cebu City ang upuan patungong Macau sa tangan na kalamangan sa mga katunggali.

 

Show comments