LAS VEGAS--Ang Desert Storm ay naging isang mainit na hangin na lamang matapos mangako si Timothy Bradley na reresbakan si Manny Pacquiao makaraang matalo sa kanilang rematch noong Linggo sa MGM Grand Garden Arena.
Hinarap ng 30-anyos na si Bradley si Pacquiao sa kanilang rematch na walang mantsa sa kanyang record.
Tinanggap niya ang kanyang pagkatalo kay Pacquiao sa mahigpit na laban na ganap na nakontrol ni ‘Pacman’ simula sa sixth round.
Nagpakawala ng mga suntok si Bradley sa hangaring mapabagsak si Pacquiao mula sa isang suntok.
Dahil mas marami siyang naimintis kesa sa koneksyon, naubusan ng lakas si Bradley.
Hindi niya mapuntirya si Pacquiao na naging isang maÂilap na target.
Sa pagsapit ng tinatawag na championship rounds ay wala nang maibatong suntok si Bradley na minsan ay nawawalan ng balanse.
Ipinakitang muli ni Pacquiao ang kanyang bilis at lakas sa paggupo kay Bradley.
Sa kanilang unang laban noong 2012 ay nagtayo ng malaking bentahe si Pacquiao hanggang kapusin sa dulo ng laban.
Ngunit sa kanilang rematch ay naging maingat ang simula ni Pacquiao na tinamaan ni Bradley sa fourth round bago tuluyang kontrolin ang laban.
Sa una nilang paghaharap ay naglista si Pacquiao ng 253-of-751 punches para sa kanyang 34% connection rate, habang nagposte si Bradley ng 159 of-839 punches para sa kanyang 19% rate.
Sa rematch ay nagtala si Pacquiao ng 198 of 563 para sa 35% kumpara sa 141 of 627 ni Bradley.