MANILA, Philippines - Tiyak na magiging kakampi ng South Gas Sports Club ng Iraq ang mga tagahanga ng PLDT TVolution Power Pinoys sa pagharap nila ngayon sa Mongolia sa pagpapatuloy ng 2014 Asian Men’s Club Volleyball Championship sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sa ganap na alas-12 ng tanghali ang tagisan at tutulungan ng mga locals na pataasin pa ang morale ng mga Iraqis para manalo ito at maisama ang home team sa quarterfinals ng ligang may ayuda ng PLDT Home Fibr at inorganisa ng Sports Core katuwang ang Philippine Volleybal Federation (PVF).
Natalo ang Power Pinoys sa mas matatangkad na Iraq, 22-25, 19-25, 18-25, upang malaglag sa 1-1 ang karta sa Group A.
Kung makapanorpresa ang Mongolia ay magkakaÂroon ng three-way tie sa unang puwesto sa grupo at gagamitan ito ng tie-break para malaman kung sino ang dalawang koponan na aabante sa knockout round.
Paborito ang Iraq sa Mongolia at kung mapangataÂwanan nila ito ay tuluyan ng matatanggal sa labanan sa titulo ang koponan dahil sa 0-2 karta.
Sa kasalukuyan, ang nagdedepensang kampeon Matin Varamin ng Iran at Al-Zahra Al-Mina ng Lebanon ang nakatiyak na ng puwesto sa quarterfinals dahil hawak nila ang 2-0 karta sa apat na koponan sa Group B.
Samantala, nakuha ng Oita Miyoshi Weisse Adler ng Japan ang kanilang unang panalo sa torneong may ayuda pa ng Mikasa, Health Way Medical, Maynilad, Gerflor Spurway, Senoh Equipment, STI at PSC sa 25-22, 22-25, 26-24, 25-21, pananaig sa Duc Long Gia Lai ng Vietnam.
Sina Yuki Hosokawa at Egyptian import Mohamed Khattab ay tumapos taglay ang 23 at 17 puntos para igiya ang koponan sa 1-2 baraha sa Group B.
Hindi pa nakatikim ng panalo matapos ang tatlong laro ang Vietnam na tulad ng Japan ay lalaro pa sa classification round para malaman ang placing sa ligang tinulungan din nina Makati Mayor Junjun Binay, Pasay City Mayor Antonino Calixto at MMDA Chairman Atty. Francis Tolentino. (ATan)