Martinez gold sa Slovenia tourney

Nasa gitna si Michael Christian Martinez na nagwagi ng gold sa Slovenia tourney.

MANILA, Philippines - Inangkin ni Olympian Michael Christian Martinez ang gold medal sa katatapos na Triglav Trophy International Figure Skating Competition sa Jesenice, Slovenia.

Umiskor ang 18-anyos na si Martinez ng 195.13 points sa free skate finals ng Senior Men’s category at tinalo ang mga pambato ng Japan, United Kingdom, Korea, Austria at Norway.

“I thank God for this blessing, another gold medal in the senior event. I’m very happy I made it to first place,” sabi ni Martinez sa kanyang Facebook page.

Sa pag-angkin sa Trig­lav Trophy, may tatlong gintong medalya ngayon si Martinez sa senior level kasama ang paghahari sa Skate Helena sa Serbia at sa Crystal Skate noong 2012 sa Romania.

Tumapos naman sa ikaanim si Filipino American Samantha Cabiles sa Junior Ladies’ category mula sa lumahok na 21 skaters sa kanyang 100.04 points.

Hinirang ng Philippine Skating Union (PhSU), miyembro ng International Skating Union(ISU), sina Martinez at Cabiles bilang kinatawan sa Triglav Trophy.

Sapul noong 1992, ang Triglav Trophy ay nilalahukan ng 100 na pinakamahuhusay na batang figure skaters sa buong mundo.

 

Show comments