Street Child World Cup: Phl girls’ team pasok sa semis

MANILA, Philippines - Umabante ang Philippine girls’ team sa semifinal round ng Street Child World Cup matapos ang 6-0 pag­lampaso sa England sa Rio de Janeiro, Brazil.

Makakaharap ng koponan nina Agot, Angelica, Maylene at Juvie Lynn sa Last Four ang Mozambique, tinalo ang South Africa, 7-3.

Sa isa pang semis duel, lalabanan naman ng host Brazil ang El Salvador.

Giniba ng Brazil ang Nicaragua, 3-1, habang sinibak ng El Salvador ang Zimbabwe, 5-4.

Napatalsik naman ang Phl’s boy’s team matapos yumukod sa Pakistan sa penalties sa quarterfinals, 3-2.

Nakauna na ang mga Pinoys sa 1-0 mula sa goal ni Avin matapos ang isang defensive error ng Pakistanis, ngunit naibigay ang isang tying goal bago matapos ang regulation period.

Hindi nagalaw ang iskor sa extra time kaya idinaan sa penalty shootout ang laro.

Naipasok nina Avin at Ronald ang kanilang mga penalties subalit minalas naman si Mackie.

Dahil sa panalo ay makakalaban ng Pakistan sa semis ang Burundi, umiskor ng 3-0 panalo laban sa Liberia.

Show comments