Ateneo, NU nagparamdam agad

Tinirahan ni Michelle Morente ng Ateneo ang depensa nina Sheila Marie Pineda at Paulina Soriano ng Adamson sa Shakey’s V-League. (JUN MENDOZA)

MANILA, Philippines - Mainit na pagbubukas ang ginawa ng UAAP cham­pion Ateneo at nag­de­depensang kampeon National University nang ka­lusin ang mga naka­ri­bal sa pagsisimula ng Shakey’s V-League Season 11 kahapon sa San Juan  City.

Nagbigay ng pitong ser­vices aces at apat na blocks si Amy Ahomiro upang lu­malim ang pinagku­hanan ng puntos ng Lady Eagles tungo sa 25-19, 18-25, 25-23, 26-24, panalo sa Adamson.

Si assistant coach Parley Tupaz ang siyang di­diskarte sa Ateneo sa ligang inorganisa ng Sports Vision at may suporta ng Shakey’s dahil si Thai coach Anusorn ‘Tai’ Bundit ay bumalik sa kanyang bansa.

Pero hindi naramdaman ang pagkawala ng champion coach dahil sa husay ni Ahomiro na mayroong 16 puntos.

Si Alyssa Valdez, ang regular at finals MVP, ay mayroong 23 puntos, kasama ang 19 kills, habang si Michelle Morente ay naghatid ng 14 puntos, tampok ang 11 hits.

Sumandal ang Lady Bulldogs sa husay nina Dindin Santiago, Myla Pablo at Aiko Urdas tungo sa madaling 25-20, 25-14, 25-15, tagumpay sa Perpetual Help sa ikalawang laro.

May 12 puntos si Santiago, tampok ang anim na aces, si Pablo ay mayroong 10 puntos na nilakipan ng siyam na hits at si Urdas ay mayroong tatlong block at dalawang aces.

 

Show comments