Taiwanese pair pinatalsik sina Lim-Klingebiel

MANILA, Philippines - Nabigo si Alberto Lim Jr. na makatikim ng panalo sa 25th Mitsubishi Lancer International Junior Tennis Championships nang natalo ang tambalan nila ni Boris Klingebiel ng Germany sa boys doubles kahapon sa Rizal Memorial Tennis Center.

Nasayang ang mala­kas na panimula nina Lim at Klingebiel sa first set na kanilang pinagharian matapos isuko ang second set at ang super tie-break tungo sa 4-6, 6-2, (10-7) pagkatalo kina Lo Chien Hsun at Meng Cing Yeng ng Chinese Taipei.

Bumangon muna sina Lim at Klingbiel mula sa 0-3 iskor at nakalayo pa sa 6-4 sa forehand winner ni Lim.

Ngunit magkasunod na errors ang ginawa ng magkapareha para katampukan ang limang sunod na puntos na naipanalo ng Taiwanese pair para umabante sa second round.

Naunang minalas si Lim sa pagsali sa boys singles nang matalo sa straight sets sa lucky loser na si  Jack Wong ng Hong Kong, 6-3, 6-2, at matapos agad ang kampanya na hindi nakatikim ng isang panalo sa ITF Grade 1 tournament na inorganisa ng Philippine Tennis Fe­deration (Philta).

Sina Vince Russell Sa­las at Joachim Samson ay nabigo kina Jake De­laney ng Australia at William Matheson ng New Zealand, 6-2, 1-6 (10-7), habang natalo na rin sina Andrea Nicole Amistad at Monica Theresa Cruz kina Matsuto Apakawa at Udette Cabrera ng USA, 6-1, 6-0, sa girls doubles.

 

Show comments