Jones bibinyagan ng Talk ‘N Text

MANILA, Philippines - Itatampok ng San Mi­guel Beer ang bagong reinforcement na si Kevin Jones sa tangka nilang pangatlong sunod na ratsada at pagsolo sa liderato.

Itatampok ang 6-foot-8 na si Jones, lalabanan ng Beermen ang Talk ‘N Text Tropang Texters ngayong alas-8 ng gabi matapos ang salpukan ng Air21 Express at Barako Bull Energy Cola sa alas-5:45 ng hapon sa 2014 PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Sinabi ni San Miguel Beer team manager Gee Abanilla na mas makakatulong sa kanilang kampanya si Jones, naglaro sa NBA para sa Cleveland Cavaliers noong 2012-13 NBA season, kaya nila sinibak si Josh Boone.

“The coaches feel Jones is more fitted with the team. The coaches also believe he can contribute more on defense, scoring and rebounding,” sabi ni Abanilla kay Jones.

Kasalukuyang magka­salo sa unahan ang San Miguel Beer at ang Talk ‘N Text sa magkatulad nilang 2-0 record kasunod ang San Mig Coffee (1-0), Ginebra (1-1), Air21 (1-1), Barako Bull (1-1), Meralco (1-1), nagdedepensang Alaska (1-2), Rain or Shine (0-1) at Globalport (0-3).

Pinayukod ng Beermen ang Bolts, 94-76, bago giniba ang Gin Kings, 112-96.

Pinamunuan naman ni 6’8 import Richard Howell ang pananaig ng Tropang Texters kontra sa Aces, 85-72, at Express, 95-91.

Sa unang laro, hangad ng Barako Bull ang kanilang ikalawang sunod na arangkada sa pagsagupa sa Air21.

Matapos ang 104-108 overtime loss sa Gin Kings noong nakaraang Biyernes ay bumawi si import Joshua Dollard matapos umiskor ng 25 sa kanyang 44 points sa second half at banderahan ang Energy Cola sa 110-106 panalo kontra sa Elasto Painters noong Linggo.

 

Show comments