Donaire sasabak muli sa Mayo

MANILA, Philippines – Kasado na ang isa na namang world title fight ni Nonito “The Filipino Flash” Donaire Jr. kontra kay WBA/IBO featherweight champion Simpiwe Vetyeka ng South Africa, ayon sa isang ulat.

Kinumpirma ng promoter ni Vetyeka na si Sampson Lewkowicz ng Dragon Fire Promotions ang laban ni Donaire sa CotaiArena ng Venetian Resort sa Macau.

“Everything is done,” banggit ni Lewkowicz sa Philboxing.com.

Naaagaw ni Vetyeka ang titulo matapos pasukuin ang longtime champion na si Chris John ng Indonesia sa six round ng kanilang laban nitong Disyembre.

“Everyone's happy and we get all what we wanted,” dagdag ni Lewkowicz.

Huling lumaban sa gitna ng ring si Donaire noong Nobyembre nang pabagsakin si Vic Darchinyan sa ninth round.

Target ni Donaire na masungkit ang ikalimang titulo sa magkakaibang weight division.

Nakatakda ang bakbakang Donaire at Vetyeka sa Mayo.

Nauna nang nakopo ng Filipino-American boxer ang championship belt ng flyweight, super flyweight, bantamweight at super bantamweight.

Show comments