Razorbacks nilumpo ang Superchargers

MANILA, Philippines - Nag-init si Jensen Rios sa huling yugto ng  ibagsak ang lahat ng 18 puntos para makabangon ang Hog’s Breath Café mula sa walong puntos na pagkakalubog tungo sa 84-68 panalo sa Big Chill sa pagtatapos ng PBA D-League Aspirants’ Cup elimination round kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Naipasok ni Rios ang tatlong tres na binitiwan at tumapos taglay ang 6-of-8 shooting para tulungan ang Ra­zorbacks na hawakan ang 35-11 bentahe sa huling 10 minuto laban sa Superchargers.

Tinapos ng koponan ang 13 laro sa 10-3 baraha para makatabla ang Jumbo Plastic.

Ngunit ang Giants ang siyang lalabas na number three dahil sa winner-over-the-other rule.

Ang crossover quarterfinals ay magsisimula sa Martes at kalaban ng Jumbo Plastic ang Blackwater Sports habang ang Hogs Breath Café ay makikipagsukatan sa Cagayan Valley. May twice-to-beat advantage ang Giants at Razorbacks para mangailangan lamang na maipanalo ang laro para umabante sa semifinals na kung saan naghihitay na ang Big Chill at NLEX.

Hindi pinahintulutan ng Road Warriors na lumasap ng ikalawang dikit na pagkatalo nang durugin ang Zambales M-Builders, 125-61, sa ikalawang laro.

Tinapos ng NLEX at Big Chill ang elimination round bitbit ang iisang 11-2 baraha pero ang una ang nalagay sa unang puwesto sa bisa ng 97-88 panalo sa huli.

 

Show comments