PSC ‘di gagastos ng mahal sa malaking delegasyon sa Incheon Asiad

MANILA, Philippines - Sa kabila ng mahigpit na kriterya, posible pa ring lumampas ang bilang ng mga Filipino athletes na ilalahok sa 2014 Asian Games sa Incheon kesa sa ipinadalang delegasyon noong 2010 Asiad sa Guangzhou o maging sa katatapos na SEA Games sa Myanmar.

Ngunit nilinaw ni Philippine Sports Commission chairman Richie Garcia na hindi gagastos ng malaki ang bansa para sa mas malaking bilang ng mga atleta sa Incheon Asiad.

“It’s not going to be very expensive,” wika ni Garcia, ang tumatayong chef-de-mission ng Philippine team sa Incheon sa Setyembre.

Sinabi ni Garcia na mas madali at mas murang magtungo sa Incheon kumpara sa Guangzhou o sa Myanmar dahilan sa pagkakaroon ng direct flights mula sa Pilipinas.

“If you can’t make the flight from Manila there are other options but still it’s a direct flight so it’s cheaper,” ani Garcia na idinagdag pang magpapadala sila ng “as many qualified athletes” sa Incheon.

Para sa Myanmar SEA Games, kinailangan ng mga Filipino athletes na bumiyahe sa Singapore bago tumuloy sa Yangon diretso sa Naypyitaw. Sa ilan, halos 17 oras ang ginugol, kasama rito ang isang five-hour bus ride mula sa Yangon papuntang Naypyitaw.

Sa Guangzhou, kabuuang 188 athletes ang lumaban sa 29 sports at nag-uwi lamang ng tatlong gold, apat na silver at siyam na bronze medals.

 

Show comments