NSAs binigyan ni Garcia ng deadline para magsumite ng lahok sa Asiad

MANILA, Philippines - Bibigyan ng pagkakataon ang lahat ng mga National Sports Association (NSAs) na kasali sa Asian Games sa Incheon, Korea na makapagpasok ng kanilang atleta sa bubuuing Pambansang delegasyon.

Sa panayam kahapon kay PSC chairman at Chief of Mission ng Asiad Ricardo Garcia, hanggang Agosto pa ang deadline para sa mga NSAs na magpatala ng ka­nilang atleta na hindi pumasa sa criteria na ipoporma ng Task Force.

Nagpulong kahapon ang Task Force na pinangungunahan ni Garcia  at mga kasapi na sina POC chairman Tom  Carrasco Jr.  Philta secretary-general Romy  Magat  at Samahang Basketbol ng  Pilipinas  director Dr. Jay Adalem.

Hindi naman binanggit ni Garcia ang napag-usapan sa criteria hanggang hindi nakakausap ang mga kasaling NSAs na kanyang pupulungin sa Enero 23.

“Lahat ng mga NSAs na kasali sa Asian Games ay iimbitahin namin sa meeting para ipaalam ang criteria ng mga atletang makakasama sa Asian Games. In the meeting, we will ask the NSAs to submit to us the names of athletes who they think are qualified together with their justifications,” wika ni Garcia.

Palilipasin muna ng PSC ang isang linggong Batang Pinoy National Finals at sa unang linggo ng Pebrero ay isasagawa ang masinsinang one-on-one meeting sa mga kasaling NSAs.

 Hanap ng ipadadalang delegasyon na pantayan o higitan ang tatlong ginto, apat na pilak at 9 bronze medals na napanalunan ng koponan noong 2010 sa Guangzhou, China.

Ang mga sports na boxing, taekwondo, bowling, wu­shu, karatedo at golf ang mga inaasahan ni Garcia na magde-deliver ng medalya dahil consistent sila na nananalo sa mga nakalipas na Asian Games. (ATan)

Show comments