Diretsong 38 sa Lady Falcons sa UAAP softball

MANILA, Philippines - Humataw ng tig-isang two-run homeruns sina Annalie Benjamen at Angelie Ursubia at ang three-time defending UAAP softball champion Adamson ay nangibabaw sa National University, 12-2, na ginawa kahapon sa Rizal Memorial Baseball Stadium.

Ito ang unang pagkikita ng Lady Falcons at Lady Bulldogs matapos magtagisan para sa kampeonato sa Season 75 na dinomina ng Adamson sa pamamagitan ng 2-0 sweep.

Inakala na ang NU ang siyang katapat ng Adamson sa first round dahil parehong nanalo ang dalawang koponan sa kanilang unang tatlong laro ngunit hindi nangyari ito dahil sa malakas na opensa ng Lady Falcons.

Ang 2-run homer ni Benjamen ay nangyari sa top of the second inning para lumayo ang koponan sa 3-0 bago kumana ng sariling bersyon si Ursubia sa sumunod na inning para gawing 8-0 ang iskor.

Ito ang ika-38th sunod na panalo ng Adamson  na nagsimula noong pang 2010.

Nanalo ang UST sa La Salle, 11-3, para pantayan ang NU sa ikalawang puwesto (3-1) habang nanorpresa ang Ateneo sa UP, 5-4, sa isa pang laro.

Unang panalo ito ng Lady Eagles matapos ang apat na sunod na pagkatalo at makatabla ang Lady Archers sa ikalima at anim na puwesto habang ang Lady Maroons ay bumaba sa 2-2 baraha para sa pang-apat na posisyon.

 

Show comments