NAY PYI TAW--Lima sa anim na kasapi ng National men’s boxing team ang nanalo sa semifinals upang magkaroon ng pito ang panlaban ng Pilipinas sa gintong medalya sa 27th SEA Games na ginagawa sa Wunna Theikdi Indoor Stadium dito.
Nailusot ni London Olympian Mark Anthony Barriga ang kontrobersyal na split decision panalo kay Mohd Faud Mohd Reuvan ng Malaysia para pamunuan ang malakas na kampanya ng bansa sa kompetisyong dinodomina ng Thailand.
Nanalo rin sina bantamweight Mario Fernandez kay Tran Quocc Viet ng Vietnam, si lightweight Junel Cantancio ay wagi kay Muhamad Ridhawan Ahmad ng Singapore, si light welterweight Dennis Galvan ay nanalo kay Ericok Amonupunyo ng Indonesia at si welterweight Wilfredo Lopez ay nagtagumpay kay Alex Tatantos ng Indonesia.
Ang tanging boxer na nadisgrasya sa kalalakihan ay si 2010 Asian Games gold medalist flyweight Rey Saludar na yumuko sa Myanmar bet na si Mg Nge sa pamamagitan ng unanimous decision.
Sasamahan ng limang boxers na ito sina Nesthy Petecio at Josie Gabuco na umabante sa finals sa woÂmen’s division.
Ang Thailand ang siyang karibal ng Pilipinas sa overall sa boxing matapos magpasok ng siyam na boxers. Apat sa kanila ang makakatapat ng mga boxers ng bansa na maaaring magdetermina kung sino ang lalabas bilang pinakamahusay na bansa sa contact sport na ito.