MANILA, Philippines - Inilinya ng TMS-Army ang sarili sa posibleng back-to-back titles nang patalsikin ang Cagayan Valley, 25-15, 25-20, 25-17, sa Philippine Super Liga Volleyball Grand Prix semifinals kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Nagtulungan sina Thai import Luangtonglang WaÂnitchaya at ang mga locals na sina Jovelyn Gonzaga at Rachelle Ann Daquis para marating ng Lady Troopers ang Finals sa ikalawang sunod na taon sa ligang inorganisa ng Sports Core at may basbas ng International Volleyball Federation bukod sa ayuda ng Mikasa, Asics, LGR, Jinling Sports at Solar Sports.
May 12 kills tungo sa 13 hits si Wanitchaya habang tig-11 ang ginawa nina Gonzaga at Daquis para hiyain ang Lady Rising Suns sa straight sets panalo.
Sinilat naman ng Cignal ang walang talo sa classification round na PLDT-MyDSL nang angkinin ang 17-25, 25-22, 21-25, 27-25, 16-14, tagumpay sa isa pang semis match.
Hindi napigil si Li Zhanzhan sa pinakawalang 27 hits at ang HD Spikers na tinalo ang Petron sa quarterfinals ay magkakaroon ng pagkakataon na makatikim ng kampeonato sa pangalawang taon ng paglalaro sa liga.