MANILA, Philippines - Tama si WBO light flyweight champion Donnie ‘Ahas’ Nietes na tune-up fight lamang si Mexican Sammy Gutierrez na kanyang nakaharap noong Sabado sa main event ng Pinoy Pride XXIII sa Smart Araneta Coliseum.
Tatlong round lamang ang kinailangang bunuin ni Nietes para sa matagumÂpay na pagdepensa sa hawak na titulo nang hindi na tumayo pa si Gutierrez matapos tamaan ng matinding kanan.
Masuwerte pa si GuÂtierrez, dating WBA interim minimumweight champion, dahil sa first round pa lamang ay dalawang beses na siyang bumuwal dahil sa kamao ni Nietes.
Bago ang labang ito, naibulalas ng 31-anyos kampeon na tubong Bacolod na itinuturing niyang tune-up fight lamang ito para sa pagbabalik sa Marso kontra kay Moises Fuentes.
Noong Marso ay nagkasukatan na sina Nietes at Fuentes at nauwi ito sa tabla upang magkaroon ng pagdududa kung kaya pang magtagal bilang kampeon ang una.
Matapos ang laban kay Fuentes ay nagpahinga lamang si Nietes ng ilang buwan at sumabak agad sa matinding ensayo mula Mayo at ang buti nito ay nakita sa third round KO panalo sa 2:58.
Sinuwerte naman si Merlito Sabillo na mapanatili pa ang WBO minimumweight title sa kanyang pangangalaga nang mauwi sa tabla ang kanyang mandatory title defense laban sa Nicaraguan knockout artist na si Carlos Buitrago.
Matitindi ang palitan ng dalawang walang talong boxers at tila nadedehado si Sabillo na muntik pang bumuwal sa ninth round.
Ang hurado na si Levi Martinez ay pumanig kay Sabillo, 115-113, habang si Joerg Mike ay naggawad ng ganitong iskor para kay Buitrago. Si Japanese judge TaÂkeshi Shimakawa ay nagsabing 114-114 tabla ang laban para mapanatili kay Sabillo ang titulo.
Wala naman ni-isang Pinoy na humarap sa mga Latinos ang nadisgrasya sa laban na umabot ng halos hating-gabi dahil apat sa anim na laban ang nauwi sa decision.
Sina Milan Melindo, Jason Pagara at AJ Banal ay nanalo sa decision kontra kina Jose Alfredo Rodriguez ng Mexico, Vladimir Baez ng Dominican Republic at Lucian Gonzales ng Puerto Rico habang si Jimrec Jaca na siyang nagbukas sa labanan ay may first round KO panalo laban kay Wellem Reyk ng Indonesia.