MANILA, Philippines - Nabigo si Rubilen Amit sa pinuntiryang sweep sa Group 7 nang lasapin ang 2-6 pagkatalo kay Ho Yun Tan ng Chinese Taipei sa group eliminations sa 2013 Yalin Women’s World 10-ball Championship sa Resorts World Manila.
Nasayang ang 2-0 kaÂlamangan ni Amit nang suÂmablay siya sa 9-ball sa third rack upang maagaw ni Ho ang momentum at ipinanalo ang anim na sunod na racks.
Ito lamang ang unang pagkatalo ni Amit matapos ang limang laro at pasok pa rin siya sa knockout round.
May 48 mula sa 20 bansa ang kasali sa torneo at hinati sila sa walong grupo. Ang mangungunang apat na manlalaro bawat grupo ay aabante at titingnan ang win-loss records para malaman kung anong round sila magbubukas ng kampanya.
Bago ito ay tinalo muna ni Amit sina Bi Zhu Qing ng China, 6-3, Marika Poikkiokki ng Finland, 6-3, Angeline Ticoalu ng Indonesia, 6-3, at ang kababayang si Iris Ranola, 6-3.
Samantala, hiniritan ni Yu Ram Chan ng Korea ng 6-1 panalo si Siming Chen ng China para manatiling buhay at makaalpas sa Group elims.
Ito ang ikatlong panalo sa limang laro ni Yu at huling laro sa Group 3 ay laban kay Caroline Roos ng Sweden.
Unang pagkatalo ito ni Chen matapos ang apat na sunod na panalo para makatiyak na ng puwesto sa knockout stage.
Naipagpatuloy naman ng 18-anyos Gao Meng ng China ang pagpapakitang-gilas sa pamamagitan ng 6-2 tagumpay sa nagdedepensang kampeon na si Ga Young Kim ng Korea.
Ang panalo ang kumumÂpleto sa 5-0 sweep ni Gao sa Group I habang tumapos si Kim sa 3-2 karta.