Perlas biniktima ang Uzbekistan

MANILA, Philippines - Gumawa ng dalawang tres sina Melissa Jacob at Chovi Borja sa huling yugto para katampukan ang 62-55 tagumpay ng national women’s basketball team sa Uzbekistan sa FIBA-Asia Championship for Women na nilalaro sa Bangkok, Thailand.

Ang pagputok sa tres nina Jacob at Borja ay nangyari matapos ang 51-all  iskor para sungkitin ng Perlas Pilipinas ang ikalawang sunod  na panalo.

Binuksan ng koponan ang kampanya sa 87-57 dominasyon sa Hong Kong, China noong Linggo.

Sina Joan Grajales at Merenciana Arayi ay mayroong 13 at 11 puntos galing sa bench habang si Analyn Almazan ay nagdagdag ng 10 puntos para kunin ng Nationals ang ikalawang su­nod na panalo sa Level II.

Tunay na masusukat ang tibay ng cage belles ngayon dahil kaharap nila ang host Thailand sa ganap na alas-6 ng gabi.

Ang laro ay rematch ng dalawang koponan  na naglaban para sa ginto sa 2011 SEAG sa Indonesia.

Mahalaga ang panalong makukuha ng Pilipinas dahil lalakas ang kanilang paghahabol na mapasama sa National team na lalaro sa Myanmar  SEAG.

Matapos ang Thais, sunod nilang babanggain ang Malaysia ngayon at Indonesia sa Miyerkules.

Ang mangungunang dalawang koponan sa Level II ay maaaring umabante sa Level I sa susunod na edis­yon kung tatalunin ang dalawang mangungulelat na koponan sa mas mataas na grupo.

Ang China, Japan, Chinese Taipei, Korea, India at Kazakhstan ang nasa Level I.

Show comments