Ibibigay ko na ang lahat ng lakas at nalalaman ko sa basketball - Santos

MANILA, Philippines - Kung nakabangon siya mula sa dalawang sunod na nakadidismaya niyang inilaro sa kabiguan ng Petron Blaze sa Game Four at Game Five, sinabi ni Arwind Santos na mas kakayod siya sa Game Seven.

“Ibibigay ko na talaga lahat ng lakas ko at nalalaman ko sa basketball sa Game Seven,” pangako ni Santos, ang hinirang na 2013 PBA Most Valuable Player at Best Player of the Conference.

Nakatakdang pag-agawan ng Boosters at ng San Mig Coffee Mixers ang 2013 PBA Governors’ Cup sa Game Seven ngayong alas-8 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Itinabla ng Petron ang kanilang best-of-seven championship series ng San Mig Coffee sa 3-3 matapos kunin ang 99-88 panalo sa Game Six noong Miyerkules.

Sa nasabing panalo ng Boosters ay nagtala ang 6-foot-4 na si Santos ng 12 points, 6 rebounds at six assists bukod pa sa kanyang pagdedepensa kay Best Import Marqus Blakely ng Mixers.

“Itong Game Seven pukpukan na ito. Ang bumigay talo,” wika ng 32-anyos na dating kamador ng Far Eastern University Tamaraws.

Show comments