MANILA, Philippines - Umabot sa 16 na kopoÂnan ang kasali sa kauna-unahang PSC Chairman’s Cup na bubuksan sa Nobyembre 9 sa Rizal Memorial Baseball Stadium.
Mangunguna sa kasali ay ang Philippine National Games champion Philab Ballbusters na pag-aari ng namayapa ng Philippine Amateur Baseball Association (PABA) president na si Hector Navasero.
Ang tinalo ng Philab na Philippine Air Force ay nagpatala rin habang ang iba pang kasali ay ang PhiÂlippine Navy, UAAP champion Ateneo at SCUAA titlist RTU.
Ang kukumpleto sa maglalaro ay ang UAAP teams na UST, Adamson, UP, La Salle at National University, Alabang Zobel, Titans, Dragons, Throwback at dalawang koponan mula Bulacan, ang Bulacan State University at Bulacan Agricultural State College.
“This is the biggest baseball event we will have and we expect to see good matches,†wika ni PSC chairman Ricardo Garcia na siyang sponsor ng torneong maglalaro lamang tuwing Sabado at Linggo.
Para pagandahin ang labanan, magbibigay ang PSC ng P50,000.00 at P25,000.00 sa magkakamÂpeon at papangalawa bilang insentibo sa kanilang paghihirap.
Si Arsenic Laurel ang siyang mamamahala sa palaro at gagamiting format rito ay double elimination na kung saan ang koponang matatalo ng dalawang beses ay mamamaalam na.
Para makatipid din ng oras, ang elimination round ay lalaruin sa pitong innings lamang at magkakaroon ng mercy rule na 15 runs sa fourth inning at 10 sa fifth inning.
Ang tig-dalawang koponan na nakatayo sa winners at loser’s group ang magtatagisan sa semifinals at ang mananalo rito ang magtutuos sa one-game finals. Ang laro sa semis at Finals ay gagawin sa nine-innings at walang time element.
Sa plano ay magkakaroon ng 11 playing days ang torneo at matatapos ito sa Disyembre 11.