Rose mainit ang pagbabalik sa Bulls

CHICAGO--Binigyan ng mainit na pagsalubong ng mga tagahanga ng Chicago Bulls si Derrick Rose.

Sinuklian naman ito ng dating MVP ng paggawa ng 22 puntos sa kanyang unang paglalaro matapos mapahinga ng 18 buwan dahil sa knee injury.

“Not at all,” wika ni Rose nang tanungin kung may nararamdamang kakaibang emosyon sa pagtapak uli sa United Center.

“I think I’m past that, jitters and everything. For me, it’s just going out there and trying to compete and try to do better as a teammate and as a leader,” dagdag ni Rose.

Sa kanyang pagdadala ay nakuha ng Bulls ang 96-81 panalo sa Detriot Piston.

Nasa 22 minuto siyang naglaro at tila hindi nagbakasyon si Rose dahil tumapos siya bitbit ang 6-of-9 shooting at 9-of-10 marka sa free throw line.

 Si Carlos Boozer ay mayroong 10 puntos at 11 rebounds habang si Joakim Noah ay may walong rebounds at dalawang puntos sa unang laro sa pre season bunga ng strained right groin.

Samantala, may 21 puntos at limang rebounds si James Harden para tulu­ngan ang Houston Rockets sa 108-104 panalo sa Orlando Magic.

May 15 puntos sa first period si Harden, tampok ang tres bago natapos ang yugto, para ibigay sa Roc­kets ang 33-29 lead na lumobo sa 61-53 sa halftime.

Ito ang ikatlong sunod na panalo matapos ang apat na pre-season game ng Rockets at nasimulan ang pagpapanalo ng 116-96 tagumpay sa Indiana Pacers na ginawa sa Pilipinas.

 Tumapos si Harden ng 7-of-12 mula s afield, kabilang ang 4-of-6 mula sa labas ng arko sa na kanyang ginawa lahat mula sa 18 minutong paglalaro sa first half.

Lumaro ang Rockets na wala si Jeremy Lin na pinauwi sa kanyang bahay dahil sa pagkakaroon ng karamdaman.

Sa Salt lake City, kumana si Damian Lillard ng 22 puntos at nag-ambag si Mo Williams ng 17 puntos upang tulungan ang Portland Trail Blazers sa 99-92 paggapi sa Utah Jazz.

Nagdagdag si LaMarcus Aldridge ng 16 puntos para sa Blazers  na may record na 2-2 sa kanilang preseason game.

Show comments