Cornley nagbida sa Hobe Bihon sa 3rd DELeague

MANILA, Philippines - Naghatid ng 23 puntos ang dating PBA Best Import  na si  Jameel Cornley upang tulungan ang nagdedepensang kampeon na Hobe Bihon sa 69-64 panalo sa MJM Production sa pagsisimula ng 3rd DELeague-Kap. Rudy Francisco Cup noong Linggo sa Marikina Sports Center basketball court.

Inangkin ng 6’5 na si Cornley, na mayroon pang limang rebounds at apat na assists, ang mahahalagang puntos sa dikitang labanan para makauna ang koponan sa ligang inialay sa yumaong Executive Chairman na si Kapitan Rudy Francisco.

Sumalo naman sa lide­rato ang Sta. Lucia East Grand Mall na nalusutan ang Skyforce, 88-84, sa ikalawang laro.

May 25 puntos at anim na rebounds ang 6’6  da­­ting PBA player na si Don Camasco habang si Kiko Adriano ay nagbagsak pa ng 20 puntos para sa nanalong koponan.

Bago ang laro ay nagbigay ng pagkilala ang liga sa pinakamagandang muse at i to ay napunta kay Ladylyn Rivera ng Hobe Bihon.

Ang ikatlong edisyon ng ligang inorganisa ni Marikina City Mayor Del de Guzman ay suportado rin ng Philippine Business Bank-Marikina Branch.

Show comments