Jesse Saitanan kinilalang Accel Player of the Week

MANILA, Philippines - Hindi nasayang ang mga itinuro ni Mapua coach For­tunato ‘Atoy’ Co sa kanyang sentro na si Jesse Sai­tanan.

Lumabas ang pinaka­ma­gandang laro ng 6-foot-5 sophomore player laban sa nagdedepensang San Beda nang pagbidahan ang 81-76 panalo ng Mapua noong Lunes sa 89th NCAA men’s basketball tournament.

May 18 puntos si Saitanan at 10 sunod ang kanyang ibinagsak sa hu­ling apat na minuto upang ma­kum­pleto ng Cardinals ang pagbangon mula sa 53-64 agwat sa pagbubukas ng hu­ling yugto.

Ang pagkinang ni Sai­tanan ay nangyari sa araw na isinelebra niya ang kanyang ika-21 kaarawan.

“Kung masaya si coach, mas masaya ako kasi na­pakagandang birthday gift ito sa akin. Ganito ang ini­laro ko dahil nai-apply ko ang mga inituro sa akin ni coach,” wika ni Saitanan.

Ito lamang ang ikalawang panalo ng Cardinals sa season at tinapos nila ang 13-sunod na kamalasan na muntik tumabla sa 14-straight losses ng Perpetual Help noong 2010.

Hinirang si Saitanan bilang ACCEL 3XVI NCAA Press Corps Best Player of the Week na handog din ng Gatorade.

Ito ang magbibigay kay Saitanan ng inspirasyon para sa Mapua.

Show comments