Gilas No. 34 na sa FIBA rankings

MANILA, Philippines - Dahil sa pag-angkin ng Gilas Pilipinas sa silver medal sa nakaraang 27th FIBA-Asia Men’s Championships noong Agosto ay tumaas ang ranggo ng bansa sa listahan ng FIBA, ang international basketball federation.

Umakyat ang Pilipinas sa  No. 34 mula  sa pa­gi­­ging No. 45 sa pinaka­ba­gong FIBA rankings.

Tinalo ng Gilas Pilipinas ang bronze medalist na South Korea sa semifinals, 86-79, para makuha ang outright ticket sa 2014 FIBA World Championships matapos ang 35 taon.

Yumukod ang mga Pinoy sa Iran, 71-85, para sa gold medal ng FIBA-Asia tournament.

Bukod sa Pilipinas na nagkaroon ng +11 points sa FIBA rankings, ang iba pang umakyat ng posis­yon ay ang Egypt (+14) at Mexico (+8).

Ang Mexico ay naging No. 24 mula sa pagiging No. 32 matapos angkinin ang gintong medalya sa nakaraang FIBA-Americas Championships, habang No. 46 ngayon ang Egypt buhat sa pagiging No. 60 dahil sa kanilang silver me­dal performance sa 2013 AfroBasket.

Bumaba naman ang China sa 12th place matapos mabigong makaaban­te sa semifinals ng FIBA-Asia, samantalang nanatili sa No. 20 ang Iran. Ang United States ang patuloy na nakaupo sa No. 1 spot kasunod ang Spain (No. 2) at Argentina (No. 3).

 

Show comments