Mixers vs Bolts sa semis

MANILA, Philippines - Ang San Mig Coffee ang siyang makakatapat ng Meralco sa best-of-five semifinals series ng 2013 PBA Governor’s Cup.

Ito ay matapos talunin ng Mixers ang Alaska Aces, 83-73, sa kanilang ‘do-or-die’ game sa quarterfinal round kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Nakatakda ang Game One ng semifinals duel ng Meralco at San Mig Coffee bukas ng alas-6:45 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Nauna nang itinulak ng Aces sa ‘rubber match’ ang kanilang quarterfinals match ng Mixers matapos kunin ang 112-105 panalo noong Miyerkules.

Kinuha ng San Mig Coffee ang isang 12-point lead, 24-12, mula sa isang jumper ni Alex Mallari sa dulo ng second period bago nakadikit ang Alaska sa 51-53 agwat sa 2:51 ng third quarter.

Nagtayo ang Mixers ng isang 12-point advantage, 66-54, buhat sa isang free throw ni Mallari mula sa isang technical foul kay Aces’ coach Luigi Trillo sa 9:10 ng final canto.

Huling nakalapit ang Alaska sa 70-74 agwat ga­ling sa isang three-point shot ni Cyrus Baguio sa 1:59 ng laro,  bago gumanti ng  isang jump shot si Mark Barroca sa natitirang 46.9 segundo na muling nag­layo sa San Mig Coffee, 76-70.

Bumandera sa Mixers si import Marcus Blakely sa tinapos na 30 puntos.

 

Show comments