Army, Meralco netters pukpukan sa No. 3

Laro Ngayon

2 p.m. Air Force vs Navy

4 p.m. Meralco vs Army

 

MANILA, Philippines - Ikatlong puwesto sa quarterfinals sa Shakey’s V-League Season 10 Open Conference ang paglalabanan ng Meralco at Army ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.

Parehong may tatlong panalo na ang Power Spi­kers at Army Women at ang mananalo sa tampok na laro dakong alas-4 ang makakasama ng Cagayan Province at Smart-Maynila sa susunod na yugto.

Unang magsasalpukan sa ganap na alas-2 ng  hapon ay ang Air Force at Philippine Navy at lalapit pa ang Air Women sa mithiing makaabante sa elimination round sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.

May pantay na 2-2 ba­raha ang Air Force habang ang Navy Sailors ay mayroong isang panalo lamang matapos ang limang laro.

Kung manalo ang Air Wo­men ay hahawakan nila ang playoff para sa ikaanim at huling puwesto na aabante sa quarterfinals.

Napahinga ang Meralco sa loob ng siyam na araw at inaasahang makakatulong ito para bumalik ang kanilang sigla at makapagtala ng unang 2-game win­ning streak sa ligang may ayuda pa ng Accel at Mikasa.

Hiniritan ng Power Spi­kers ng  25-21, 25-22, 25-16, panalo ang Navy noong Setyembre 3.

Sa kabilang banda, nais naman  ng Philippine Army na bumangon matapos ang 9-25,16-25, 20-25, pagkatalo sa Cagayan na siyang number one team sa elimination round matapos ang 7-0 baraha.

Tiyak na ibabandera ng Army nina Jovelyn Gonzaga, Joanne Bunag, Nene Bautista at Rachel Ann Daquis habang ang mahusay na Chinese import na si Coco Wang ang mamumuno sa Meralco kasama sina Maureen Ouano, Fille Cainglet, Maida Morada at Stephanie Mercado.

 

Show comments