Garcia chef-de-mission sa Incheon Asian Games

MANILA, Philippines - Asahan na mas pulido at handa ang Pambansang delegasyon na ipadadala ng Pilipinas sa 2014 Asian Games sa Incheon, Korea.

Isang taon bago simulan ang nasabing kompe­tisyon ay kumilos na ang Philippine Olympic Committee (POC) sa pagtatalaga ng uupong chef-de mission sa Asian Games na ibinigay kay Philippine Sports Commission (PSC) chairman Ricardo Garcia.

Kahapon ay inihayag ni POC secretary-general Steve Hontiveros ang liham na ginawa ni Cojuangco noong Agosto 29 na kung saan iginagawad niya ang posisyon kay Garcia.

Lalabas si Garcia bilang ikalawang PSC chairman na binigyan ng ganitong tungkulin ni Cojuangco matapos italaga si da­ting PSC chairman William Ramirez bilang CDM sa 2006 Doha Games.

Kikilos agad si Garcia sa paghahanap ng mga taong bubuo sa secretariat na agad na magtatrabaho sa paggawa ng mga profiles ng Pambansang atleta na siyang gagamitin kapag nagsimula na ang scree­ning sa Enero.

Gagamitin din niya ang mga tauhan para tumulong at makakatipid ang bansa dahil hindi na nila kailangan pang suwelduhan ang mga tao ng PSC.

Ang ipakikita ng mga manlalaro sa SEA Games ang isa sa mga tututukan dahil ito ay ginagamit din bilang isa sa criteria sa pagbubuo sa nakaraang Asian Games delegation ngunit ang mahabang panahon din ay makakatulong upang makahanap pa ng mga mahuhusay na Fil-Foreigners para mas lumakas ang tsansang manalo ng delegasyon.

Nais ni Garcia na mahi­gitan ang tatlong ginto, apat na pilak at siyam na bronze medals na  nakuha ng delegasyong ipinadala sa 2010 Guangzhou Asian Games.

Ang Incheon Games ay itinakda mula Setyembre 19 hanggang Oktubre 4 at katatampukan ng 36 sports.

 

Show comments