Gilas, Saudi Arabia magkakasubukan simula na ang rambol

Laro Ngayon

(Mall of Asia Arena,

Pasay City)

11 a.m. Iran vs Malaysia

1:15 p.m. Jordan

vs Chinese-Taipei

3:30 p.m. Japan vs Qatar

5:45 p.m. China vs Korea

8:30 p.m. Gilas

vs Saudi Arabia

10:30 p.m. Kazakhstan

vs Thailand

(Ninoy Aquino Stadium)

6 p.m. India vs Bahrain

 

MANILA, Philippines - Sisimulan ng Gilas Pilipinas ang kanilang krusada para sa isa sa tatlong tiket sa 2014 FIBA World Championships sa pagsagupa sa Saudi Arabia sa pagsisimula ng  27th FIBA-Asia Men’s Championships sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Lalabanan ng Gilas ang Saudi Arabia ngayong alas-8:30 ng gabi, habang bubuksan naman ng China ang kanilang pagdedepensa sa korona sa pagharap sa South Korea sa alas-5:45 ng hapon.

Ginawa ng Natio­nals ang kanilang huling team practice kahapon sa Treston Gym sa The Fort at nagkasundong huwag gu­mamit ng social media para tutukan ang kanilang kampanya.

“All you words of support fill our hearts with hope. But as we embark on the biggest battle of our lives, we will be offline from Aug. 1-11. Please pray for us,” wika ni National head coach Chot Reyes sa kanyang Twitter account.

Idinagdag pa ni Reyes na hindi nila babalewalain ang Saudi Arabia, kasama nila sa Group A bukod sa Jordan at sa Chinese-Tai­pei.

“We don’t want to overlook Saudi Arabia but I must admit we’re preparing hard for Jordan and Chinese Taipei,” wika pa ni Reyes.

Ito pa lamang ang ika­la­wang pagkakataon na lalahok ang Saudis, third placer sa FIBA Gulf zone elimination sa ilalim ng Qatar at Bahrain sa FIBA-Asia Men’s Championships sa nakaraang 12 taon.

Matapos ang Saudi Arabia, sasagupain ng Gilas ang Jordan bukas at ang Chinese-Taipei sa Sabado.

Ang Gilas ay binubuo nina 6-foot-11 naturalized center Marcus Douthit, Larry Fonacier, Gary David, Jeff Chan, Jayson Castro, Jimmy Alapag, LA Tenorio, Ranidel de Ocampo, Marc Pingris, Gabe Norwood, Japeth Aguilar at Junmar Fajardo.

Si Serbian coach Nenad Kradzic ang gagabay sa koponan ng Saudi Arabia na kinabibilangan nina Mohammed Almarwani, Mustafa Alhwsawi, Mohammed Abujabal, Jaber Kabe, Marzouq Almuwallad, Ayman Almuwallad, Mohammed Alsager, Fahed Felal, Nassir Abo Jalas, Mathna Almarwani, Turki Almuhanna at Ahmed Almukhtar.

Ang Saudi Arabia ang ikatlong may pinakamaliit na line-up sa torneo mula sa kanilang average height na 6’1 5/8 kumpara sa 6’4 average ng Gilas.

Ang pinakamalaking player ng Saudis ay si 6’7 center Mohammed Almarwani.

Sa nakaraang  12 taon, isang beses pa lamang nakapaglaro ang Saudi Arabia sa FIBA-Asia tournament at ito ay noong 2005 sa Qatar kung saan sila tumapos bilang pang walo.

Show comments