Next time uli LeBron

Sa bansang baliw na baliw sa basketball, maihaha­lintulad sa napakalaking piyesta o parang rebolusyon (pero sa isang positibong paraan) ang pagdating ni LeBron James.

Hindi magkamayaw ang mga basketball fans na ang balita natin ay dalawang araw na nagkampo sa MOA at ang iba naman ay nagbayad ng hindi bababa sa P10,000 para lamang makita si LeBron.

At siyempre hindi naman sila dinismaya ni LeBron na talaga namang  ganado sa pag-autograph at pami­migay ng bola.

Halata namang aliw na aliw din ang pamosong basketball player na may dalawa nang MVP award sa ipinakitang pagsalubong at paghanga ng mga Filipino basketball fans. 

Ang isang ikinatutuwa ko kay LeBron ay ang pagka-aliw niya sa mga bata.   Hindi rin siya nahihiyang ibahagi na gusto niyang makatulong sa mga batang Pilipino na kapuspalad. Kung magkaroon siya ng pagkakataon.

At sa susunod na pagbabalik niya sa Pilipinas (na kanyang ipinangako) ay isasama niya ito sa kanyang agenda. Sikat na may pusong makatao pa.

Next time uli LeBron

***

Kahit nasa proseso na ng pagpili ang Philippine  Sports Commission at Philippine Olympic Committee ng mga atletang isasama sa Southeast Asian Games sa Disyemrbre sa Myanmar,  binabatikos na ang criteria na ginagamit ng mga ito na hindi makataru­ngan at isang supresyon ng karapatang sumali sa naturang sports meet.

Ginagamit  ng POC at PSC ang gold medal criteria upang piliin ang mga inirekomenda ng National Sports Associations, mula sa mga rekomendasyong ito ng NSAs, kukuha ang POC at PSC ng bubuo sa  pamban­sang koponan sa  SEA Games.

Ayon kay POC president Peping Cojuangco, “fifty percent of our athletes na ipinadadala natin sa SEA Games win medals, not all the countries do that you know? Pero debacle pa rin ‘yon.”

At eto pa, tinalikuran din ng POC at PSC ang nauna nitong pahayag na gagamitin ang “have money, will fly” policy.

Kahit na ang isang koponan ay maaaring pondo­han ang sarili para makasali sa Southeast Asian Ga­mes, hindi pa rin ito nakakatiyak dahil kinakailangan pa ring makapasa ito sa “gold medal” criteria ng POC at PSC.

Katuwiran ng POC at PSC, paano naman ang  ibang mga NSAs na hindi ganoon ka-popular at ma­ka­kakuha ng sponsor pero mas kwalipikado naman kum­para dun sa isa na popular nga pero mas mababa naman ang tsansa na makakuha ng gold medal.

Sinabi na ng POC at PSC na kakaunti lamang ang mga sports na nakalinya sa SEAG ang maa­aring pagkunan ng medalya ng Pilipinas dahil na rin sa pagla­lagay ng host country na Myanmar ng 12 sports kung saan malaki ang tsansa ng Pilipinas na makakuha ng medalya. Sa halip ang inilagay ay mga indigenous sports gaya ng kempo at pethung.

Tumapos ang Pilipinas ng ikaanim na puwesto sa 36 na gintong medalya sa 2011 SEAG sa Indonesia.

Naniniwala ang POC at PSC na mahihirapan na ang Pilipinas na maduplika ito sa SEAG na gagawin sa Disyembre.

Sa pag-aanalisa ng PSC, sa 26 na medalya na napa­nalunan ng Pilipinas noong 2011, 21 lamang ang naiwan na gold medals sa 2013  SEA Games. Kung kapareho lamang ang magiging performance ng ating mga atheletes, hindi pa rin ito sapat dahil sa mahigit sa 20 indegenous sports ang idinadagdag na events na hindi naman kasali ang Pilipinas.

Kaya nga upang maiaangat pa ang tsansa ng bansa, siguradong medal winners lamang ang ipapa­dala sa SEA Games.

Show comments