PSL may magarbong plano sa Open Conference

Laro Bujkas

(Philsports Arena, Pasig City)

1 p.m. Opening ceremony

2 p.m. Cignal vs Petron

4 p.m.  PLDT-My DSL vs Bingo Milyonaryo

6 p.m. TMS-Philippine Army vs Cagayan Valley

 

 

MANILA, Philippines - Bukas pa opisyal na bubuksan ang bagong liga sa volleyball na Philippine SuperLiga pero may malala­king plano na ang pamunuan para sa unang opisyal na conference na gagawin sa Setyembre.

Sa pulong pambalitaan kahapon sa Wack Wack Golf and Country Club, inanunsyo ni PSL president at AVC Development and Marketing Committee chairman Ramon Suzara ang mas magarbong plano para sa Open Conference.

“May apat na kumpan­ya ang sasali sa Open at ang mga teams ay magkakaroon ng tig-dalawang imports. Hindi lamang sa Asia puwedeng kumuha ng imports kundi pati sa Europe basta sila ay kiniki­lala ng international body (FIVB),” wika ni Suzara.

Ang PSL ay isang club league ngunit nakatuon din ang liga na maging professional league sa hinaharap.

Wala namang mataas na ekspektasyon ang ipinupukol sa Invitational tournament na magkakaroon ng walong playing days at ang mangungunang dalawang koponan sa anim na kalahok ang aabante sa one-game finals.

“Ang gusto muna namin ay mapasaya ang mga teams na kasali at ibigay ang exposures na hanap nila. Pati ang mga players ay mabibigyan ng exposures dahil ang mga teams na nasa ikatlo hanggang anim na puwesto ay maglalaro pa para sa rankings. So lahat sila ay maglalaro sa loob ng walong araw,” dagdag ni Suzara.

Wala ring balak na makipagkumpetensya ang liga sa Shakey’s V-League dahil ito ay para sa mga man­lalarong hindi na kasali sa UAAP at NCAA.

Dumalo rin sa pagpupulong sina, Shanrit Wongprasert, EVP ng AVC sa Southeast Asian Zone, PSL chairman Philip Ella Juico, tournament commissioner Ian Laurel, interim Philippine Volleyball Federation (PVF) head Karl Chua .

Saludo si Wongprasert sa pagbuhay sa ligang ito dahil malaki ang maitutulong ng PSL para bumalik ang dating mataas na antas ng Pilipinas sa volleyball lalo na sa women’s division.

 

Show comments