AMMAN, Jordan--Nagtala ng isang panalo at isang talo ang national boxers sa pagsisimula ng Asian Boxing Championships noong Lunes sa Amman, Jordan.
Si 2010 Asian Games gold medalist Rey Saludar ang siyang nagbigay ng panalo sa koponang isinali ng ABAP nang kunin ang 30-27, 28-29, 30-27 panalo laban kay Hayashida Syota ng Japan sa flyweight division.
Ang 24-anyos na mula Polomolok, South Cotabato, ang isa sa sinasandalan na maghahatid ng medalya sa kalalakihan matapos manalo ng bronze medal sa huling edisyon dalawang taon na ang nakakalipas sa Incheon, Korea.
Hindi naman pinalad si 20-anyos Joel Bacho na pinagpahinga ng 21-anyos Japanese boxer Hiroki Inoue na umani ng 29-28 panalo sa tatlong hurado sa light welterweight division.
Ang iba pang kasapi ng koponan ay sina China Open silver medalist Junel Cantancio (lightweight), Rogen Ladon (light flyweight) at Mario Fernandez (bantamweight).
Sina Pat Gaspi, Ronald Chavez at Roel Velasco ang mga coaches ng koponan at sina Gaspi at Velasco ay magnanais din na iakyat sa 3-star ang kanilang status bilang coach na alituntunin ng world body AIBA.
Si Ed Picson ang head delegation habang si Karina Picson na AIBA International Technical Official ay isa sa supervising officials na ipinadala ng Asian Boxing Confederation (ASBC).