Zamar tutulong kay Chua; Purves pasok sa Petron

MANILA, Philippines - Habang sa Agosto 14 pa ang pagbubukas ng 2013 PBA Governors Cup, abala naman ang ilang koponan sa pagbabago sa kanilang mga coa­ching staff.

Kasabay ng sinasabing pagsasama nina team consultant Allan Caidic at assistant coach Juno Sauler sa La Salle Green Archers sa UAAP ay mapapabilang naman si University of the East mentor Boysie Zamar sa coaching staff ni Alfrancis Chua sa Barangay Ginebra.

Si Sauler ang sasapo sa puwesto ni Gee Abanilla sa Green Archers at maaa­ring tulungan ni Caidic.

Nauna nang nasangkot ang Ginebra at Petron Blaze sa trade nang ibigay ng Boosters si Jay Washington sa Globalport para makuha ng Gin Kings si 6-foot-9 Japeth Aguilar mula sa Batang Pier.

Para mangyari ang naturang trade ay ipinamigay ng Ginebra si 6’8 rookie Yousif Taha sa Globalport.

Dinala din ng Gin Kings si Elmer Espiritu sa Barako Bull kapalit ng isang draft pick.

Si Abanilla ang sinasabing papalit kay Olsen Racela bilang coach ng Pet­ron katulong si American John Todd Purves bilang consultant.

Bumaba si Purves sa kanyang puwesto bilang mentor ng Indonesia Warriors na tinalo ng San Miguel Beermen sa naka­raang Asean Basketball League Finals.

Si Leo Austria ang gumiya sa Beermen at posib­leng makita sa bench ng Boosters.

Tumatayo pang bench tactician ng Adamson Falcons sa UAAP si Austria.

Nagbigay-daan ang PBA para sa pagdaraos ng 27th FIBA-Asia Men’s Championships na naka­takda sa Agosto 1-11 at idaraos sa MOA Arena sa Pasay at sa Ninoy Aquino Stadium sa Manila.

Sasabak ang Gilas Pilipinas II sa naturang Asian qualifiers.

Ang tatlong koponang mangunguna ang siyang kakatawan sa Asya para sa 2014 World Championships sa Madrid, Spain.

Bilang paghahanda ay nagtungo ang Gilas II sa Lithuania para sa isang training camp.

Hinarap nila ang ilang Lithuanian teams sa natu­rang kampo.

Show comments