Pagkakaisa panawagan ni Vargas sa ABAP para sa asam na Olympics gold

MANILA, Philippines - Hinimok ni Ricky Vargas ang bagong pamunuan  ng Association of Bo­xing Alliances of the Philippines (ABAP) na magkaisa upang maisakatuparan sa kanilang administrasyon ang pangarap na ibigay sa bansa ang kauna-unahang gintong medalya sa Olympics.

Ginawa ni Vargas ang panawagang ito sa Quezon  City Sports Club matapos bigyan ng ikalawang  termino ng mga board of trustees na iniupo sa isinagawang General  Assembly at Election kahapon.

Pinasalamatan niya ang mga miyembro na pa­­tuloy na nagtitiwala sa kanyang liderato pero kasa­bay nito ay ang panga­ngailangan ng pagtutulungan ng lahat para patuloy ding magpursigi ang mga national boxers.

“We have talented bo­xers, dedicated boxers and coaches. All they need is your support,” ani Vargas.

Naniniwala rin siya na maganda ang magiging pagtutulungan sa board sa iisang adhikain dahil ang mga ipinasok ay mga taong dedicated sa boxing.

Si Manny V. Pangilinan ay nanatili bilang chairman habang ang uupong Cagayan de Oro City Mayor na si Oscar Moreno ang vice chairman at ang dating si Baguio City Mayor Peter Rey Bautista ang vice-pre­sident.

Ang Pambansang kamao na si Manny Pacquiao ay kasama sa Board of Trustees habang si JJ Vargas ng National Capital Region ang treasurer. Nanatili naman sina Patrick Gregorio at Ed Picson bilang secretary-general at executive director nang sila ay muling tokahan ni Vargas.

Ang mga iniupong opis­­yales ay magsisilbi sa ABAP hanggang 2016.

Umabot sa 25 mula sa  34 miyembro ang dumalo at kasama sa inaprubahan ay ang bagong Constitution at By-Laws ng ABAP bukod pa sa talaan ng mem­bership.

Dalawang beses na ikinalendaryo ng ABAP ang eleksyon noong Oktubre 2012 at noong nakaraang Pebrero pero hindi pumayag ang Philippine Olympic Committee (POC) dahil nais nilang maging maayos ang mga papeles matapos ang pagpapalit ng pangalan.

Nagbago ang pangalan mula Amateur Boxing Association of the Philippines dahil ayaw na ng international federation ang salitang amateur sa mga kasaping bansa.

Walang inaasahang magiging problema sa halalan dahil naroroon si POC secretary-general Steve Hontiveros para saksihan ang kaganapan kasama si Philippine Sports Commission (PSC) chairman Ricardo Garcia.

 

Show comments