Pinas nabulilyaso sa hosting ng SEASA

MANILA, Philippines - Hindi sinang-ayunan ng Southeast Asian Shooting Associaton ang kahilingan ng Philippine National Shoo­ting Association (PNSA) na ilipat ang planong hosting ng bansa sa susunod na taon.

Ayon sa bagong upong pangulo ng PNSA na si ret. Col. Danilo Gamboa, nakipag-usap na siya kay SEASA president Ally Ong at hiniling niya na ilipat ang hosting mula Nobyembre tungo sa Enero o Pebrero.

Pero hindi sumang-ayon ang SEASA dahil nanga­ngamba silang walang sumaling bansa.

“Ipinaliwanag nila sa akin na kung ililipat ito sa January o February, malaki ang posibilidad na walang sumali dahil katatapos lamang ng SEA Game sa Myanmar sa December,” wika ni Gamboa.

Dahil dito, ang Malaysia na lamang ang siyang ta­ta­yong punong-abala sa pinakamalaking shooting competition sa South East Asia.

Hiniling ni Gamboa na ipagpaliban ang hosting dahil kulang siya ng panahon na makapaghanda matapos maupo sa puwesto noong Abril lamang.

Pinalitan niya sa puwesto si Mikee Romero na nag­desisyon na huwag nang tumakbo sa ikalawang pagkakataon.

“Hanggang ngayon ay mayroon ding gun ban na umiiral at ang mga shooters natin ay hindi makapagsa­nay kaya’t hiniling ko ang postponement,” dagdag ni Gamboa.

Naintindihan naman ng SEASA ang sitwasyon ng PNSA at para ipakita ito, si Gamboa ang inilagay bilang co-chairman ng organizing committee.

Kung natuloy, ito sana ang pinakamalaking shooting championships na gagawin sa bansa sa loob ng ilang mga dekada.

 

Show comments